Mabuting Balita l Pebrero 7, 2024 – Miyerkules l Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon
Description
Mabuting Balita l Pebrero 7, 2024 – Miyerkules sa Ika-5 Linggo ng Karaniwang Panahon
Beato Pio IX
Ebanghelyo: Mk 7:14-23
Tinawag ni Hesus ang mga tao at sinabi sa kanila: “Pakinggan
ako at unawain sana ninyong lahat. Hindi ang pumapasok sa tao mula sa labas ang nakapagpaparumi sa kanya kundi ang lumalabas sa tao ang nakapagpaparumi sa kanya. Makinig ang mga may tainga.” Pagkalayo ni Hesus sa mga tao, nang nasa
bahay na siya, tinanong siya ng mga alagad tungkol sa talinhagang ito. At sinabi niya: “Wala rin ba kayong pang-unawa? Hindi n'yo ba nauunawaan na sa bituka pumupunta ang anumang pumapasok mula sa labas? Sapagkat hindi sa puso ito pumapasok kundi sa tiyan at pagkatapos ay itinatapon sa labas. Ang lumalabas sa tao ang nagpaparumi sa tao. Sa puso nga ng tao nagmumula ang masamang hangarin: kahalayan, pagnanakaw, pagpatay sa kapwa, pakikiapid, kasakiman, kasamaan, pandaraya, kalaswaan, pagkainggit, paninira, kapalaluan, kabuktutan. Ang masasamang bagay na ito ang nagpaparumi sa tao.”
Pagninilay:
Madalas sa buhay natin, mas nabibigyan natin ng pansin ang mga bagay-bagay sa paligid natin, kaysa sa mga bagay na nangyayari sa kaibuturan ng ating mga puso. Kaya ang hamon sa atin ng Mabuting Balita ngayon – bigyang pansin at suriin, ang mga bagay na nakapagpaparumi sa ating mga puso. Gaya ng sinabi ni Hesus, “ang nakapagpaparumi sa tao, ay hindi ang mga bagay na pumapasok sa kanya, kundi ang lumalabas sa kanya. Gaya ng masamang pag-iisip, kahalayan, inggit, kapalaluan,
kabuktutan, at iba pang masasamang bagay na nakapagpaparumi sa puso at kaluluwa ng bawat tao. Bilang mga anak ng Diyos at mananampalataya, tinatawagan tayo ni
Hesus na mamuhay sa kalinisan at kabanalan. Sa ating Mabuting Balita, tinuturuan tayo ni Hesus ng paraan kung paano mamuhay sa kabanalan at mapalalim ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos. Nang sa gayon, manatili tayo sa kanyang presensya
at mas maging matatag sa pag-iwas sa kasalanan, at piliin ang kabutihan. Nagkakaroon lang ng kapangyarihan ang kasalanan, kung pinipili nating sundin ang mga bagay na nakapagpaparumi sa ating puso at isip. Kung kaya’t sa araw-araw nating pamumuhay, hilingin natin ang grasya ng Diyos, na pagkalooban tayo ng determinasyon na palagiang suriin ang ating budhi, ang nilalaman ng ating puso at isip, upang maiayon natin ito sa kalooban ng Diyos. Mga kapanalig, dumulog tayo sa Diyos nang may pagpapakumbaba at manalangin. “Likhain Mo sa akin, O Diyos, ang isang malinis na puso, at pagkalooban ako ng isang panibagong Espiritung matatag”. Amen.
























