Discover
Think About It by Ted Failon

Think About It by Ted Failon
Author: 105.9 True FM
Subscribed: 41Played: 342Subscribe
Share
© 105.9 True FM
Description
Sawa ka na ba sa mga mema at hirit na pa-cute lang? Kung ganoon, dito ka na sa mainit at makabuluhang pagtalakay ng mahahalagang isyu sa bansa kasama ang lodi nating si Ted Failon! Pakikinggan at hihimayin niyang mabuti ang pananaw ng magkabilang panig para mas malinawan ang taumbayan. Kaya guys, kinig na! Manong Ted is in the house!
191 Episodes
Reverse
Mahigit 10 ghost at questionable projects na ang nadiskubre sa distrito ni dating Bulacan 1st DEO District Engineer Henry Alcantara na isa sa mga tinaguriang "BGC BOYS" o Bulacan Group of Contractors na ibinunyag ni Senator Ping Lacson na nagpapatalo umano ng milyon-milyon at nagpapapalit umano ng bilyon-bilyong piso sa mga casino. Pero kahit klaro na ang mga ebidensiya ay hindi pa rin sila pwedeng damputin at ikulong dahil kailangan nilang dumaan sa due process.Ang mag-asawang Curlee at Sarah Discaya naman ay umamin na ang kanilang siyam na construction companies ang naglalaban-laban sa mga bidding ng government projects kung saan ay nagbibigay sila ng hanggang 30 porsyento bilang komisyon sa proyekto para sa mga taga DPWH at ilang opisyal ng gobyerno. Pero kailangan pa nating maghintay na pormal silang makasuhan para magsimula na ang due process.Oo nga at nakapagbuo ng Independent Commission on Infrastructure ang Pangulong Marcos Jr., subalit ang lahat ng kanilang impormasyon, dokumento, testimonya, ebidensya at rekomendasyon ay babagsak pa rin sa Ombudsman kung saan maaaring abutin ng ilang linggo, ilang buwan, ilang taon bago sila magdesisyon. At sakali mang makarating sa Sandiganbayan ang kaso, ay posibleng abutan din ng ilang mga taon o dekada ang paglalabas ng hatol. Umiiral ang due process para sa mga tulisan, mga magnanakaw, mga mangungulimbat, mga mandarambong sa perang pinaghihirapan ng bayan, habang ikaw na pangkaraniwang manggagawang Pilipino ay tuloy-tuloy lang sa pagtatrabaho at pag-aambag sa buwis na napupunta sa gobyerno na siya namang kinakamal ng mga diablo. Think about it.
Bilang pagtupad ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa kanyang binitawang pangako sa SONA noong July 28 na susuriin at ilalabas ang listahan ng lahat ng flood control projects sa panahon ng kanyang panunungkulan, inilunsad ang 'Sumbong sa Pangulo' website noong August 11. Nagbigay rin ng ulat ang Pangulo ng mga paunang resulta ng ginawa nilang pag-aaral tungkol sa flood control projects ng DPWH. Ilan sa mga impormasyong ibinahagi ng Pangulo ay ang kabuuang halaga ng flood control projects sa buong bansa mula 2022 hanggang 2025 na aabot sa P545.64 bilyon, kung saan dalawampung porsyento rito ay pinaghatian lamang ng labing-limang contractor. Nabanggit din ng Pangulo ang mga impormasyon na nakapagbibigay ng duda kagaya ng pare-parehong halaga ng kontrata pero iba-iba ang lugar, maging ang mga probinsya na may napakaraming flood control projects subalit wala naman sa listahan ng mga lalawigan na may malaking suliranin sa pagbabaha. Higit sa 'Sumbong sa Pangulo' website, ang inaabangan ng mga mamamayan ay kung may mapapanagot at maipapakulong na mga kontratista at taong gobyerno na nagsasabwatan sa pagnanakaw ng pera ng bayan. Totoo kayang may mapaparusahan o magpapatuloy lang sa masigabong palakpakan ang mga walang hiya na sangkot sa katiwalian? Think about it.
Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, sa loob ng 15 taon, ang DPWH ay gumasta na ng humigit kumulang dalawang trilyong piso para sa flood management program, na katumbas ng P350 milyon na araw-araw na paggasta para ayusin ang problema sa pagbabaha. Pero bakit nga ba patuloy tayong binabaha kung palaki naman nang palaki ang perang inilalaan ng gobyerno para ayusin ang problema sa baha?Sa pinakahuling SONA ng Pangulong Bongbong Marcos Jr., kinastigo niya ang nagsasabwatang mga opisyal ng gobyerno pati mga kontratista na ginagawang raket ang flood control projects para makakuha ng kickback at SOP.Sambit ng Pangulong Marcos: "Mahiya naman kayo!" Nangako rin siya na isasapubliko ang listahan ng palpak na flood control projects pati mga ghost project, at makakasuhan ang lahat ng mga may sala.Matupad kaya ang panibagong pangako ng Pangulo? Tumalab kaya ang mga patama niya? Mahiya naman kaya ang mga walang hiya? Think about it.
Ang PrimeWater Infrastracture Corporation na sinasabing pagmamay-ari ng pamilya Villar ay kasalukuyang umabot na sa pitumpu't pito ang kontrata sa iba't-ibang local water districts sa buong bansa.Bago pa man ipinag-utos ng Pangulong Marcos Jr. ang malalimang imbestigasyon sa kanilang operasyon dahil sa katakot-takot na reklamo mula sa mga mamamayang apektado ng pangit nilang serbisyo, naglabas na ng audit report ang Commission on Audit (COA) kung saan nakasaad ang ilang obligasyon na hindi nasunod ng PrimeWater sa mga lugar na kanilang sineserbisyuhan.Ilan lamang diyan ay ang hindi pagbibigay ng tuloy-tuloy na supply ng tubig, walang septage managemement plan, mataas na nasasayang na tubig o non-revenue water, mataas na pondong ginasta, at hindi pagpasa sa drinking water standards ng tubig sa kanilang mga gripo.Nakaabang na ang bayan sa pagsasapubliko ng resulta ng imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) at sa magiging imbestigasyon ng Kamara de Representante, habang nakakabingi ang katahimikan ng Senado. Sa bandang huli, may mapapanagot nga ba sa pagdurusa ng mga mamamayan? O sa bandang huli ay wala na namang mangyayari at taong bayan pa rin ang magdurusa? Think about it. #TedFailonandDJChaCha
Nakababahala ang inihayag ng isang opisyal ng United Nations Children's Fund (UNICEF) na may totoo at malawakang krisis sa edukasyon ang Pilipinas. Kahit ang Pangulong Bongbong Marcos ay umamin na napabayaan talaga ang edukasyon sa bansa na nagresulta sa kakulangan sa mga silid-aralan, kakulangan sa mga guro, libro, at mababang marka ng mga Pilipinong mag-aaral sa Program for International Student Assessment (PISA). Taon-taon ay palaki nang palaki ang bilyon-bilyong pisong budget na inilalaan para sa Department of Education (DepEd), pero taon-taon ay pare-parehong mga problema ang kinakaharap ng sektor ng edukasyon. Ang mabagal na pagpaplano, pabago-bagong disenyo ng mga silid-aralan, mga palpak na bidding, at kanselasyon ng mga kontrata, ay ilan lamang sa mga suliranin na tinukoy ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na sagabal sa pagpapatupad ng mga proyekto. Hindi matutuldukan ang krisis sa edukasyon na hinaharap ngayon ng mga Pilipino kung hindi matitigil ang krisis sa korapsyon sa gobyerno na hadlang sa maayos na paggamit at pangangasiwa sa pondo. We have a learning crisis because we have a crisis in government leadership. Think about it.#TedFailonandDJChaCha #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM
Upang matulungan ang mahihirap na Pilipino na makabili ng murang bigas, at tulungan na mabawasan ang stock ng bigas sa mga napupunong bodega ng National Food Authority (NFA), ipinanganak ang proyektong 'Benteng Bigas Meron na!'. Pero hindi simple ang programang ito dahil para maibenta ng bente pesos per kilo ang NFA rice sa Kadiwa ng Pangulo, kakailanganin ng malaking pera para sa subsidiya. Ibig sabihin mag-aabono ang gobyerno kung saan ang buong bayan na naman ang magpapaluwal pero piling-piling grupo lamang ang puwedeng makinabang sa bente pesos na bigas. Abala ang pamahalaan sa pagtupad sa pangakong bente pesos na bigas ng Pangulong Marcos noong 2022 Presidential campaign sa halip na tutukan ang pagpapaunlad ng agrikultura. Sa natitirang tatlong taon ng panunungkulan ng Pangulo, may aasahan pa kayang katuparan sa kanyang pangako maliban sa manaka-nakang Kadiwa, o tuluyan nang mabigo ang pag-asa ng mamamayan lalo na ng mga magsasaka? Think about it.#TedFailonAndDJChaCha #ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
Napakasimple lamang ng kwalipikasyon sa Pilipinas para maging isang halal na lingkod bayan. Ito ay para magkaroon ng patas na oportunidad ang mga Pilipino – mahirap o mayaman, mataas man ang pinag-aralan o hindi–na lumahok sa halalan at mabigyan ng pagkakataon na manungkulan sa pamahalaan. Subalit ang adhikaing ito ay nawalan na ng kabuluhan dahil sa paghahari ng mga nagtatabaang dinastiya sa pulitika na hindi pinatawad kahit ang party-list system elections. Mga matatabang dinastiya sa pulitika na sa mga pag-aaral ay napatunayan nang sagabal sa pag-unlad ng bayan at nagpapahina sa checks and balances sa gobyerno. Ang kalidad ng mga halal na lider ng bayan ay nagmumula sa kalidad ng mga naghahalal sa kanila. Sa eleksyon sa Mayo 12, may mababago ba sa mga uri ng mga magwawagi sa botohan, o ito ay magiging pinto muli para sa mga taong oportunista? Think about it.#TedFailonAndDJChaCha #ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
Taong 2017, nagsimula ang konstruksyon ng Unified Grand Central Station o tinatawag na common station. Pagkatapos ng ilang debate kung saan ito dapat itayo, ito ay itinatayo ngayon sa pagitan ng SM North Edsa at Trinoma kung saan magtatagpo-tagpo ang LRT-1, MRT-3 at MRT-7. Matagal na sanang tapos ito at napapakinabangan ng mga mananakay ng MRT-3 at LRT-1, subalit sa pag-upo ng bagong Transportation Secretary na si Vince Dizon, nalantad ang katotohanan na wala pang katiyakan kung kailan talaga ito matatapos dahil inabandona na raw ng kanilang kontratista ang proyektong Unified Grand Central Station. Lalo pang maaantala ang konstruksyon ng common station dahil sa naisiwalat na problema sa disenyo–problemang dulot ng kapabayaan at kapalpakan ng mga taong gobyerno na unang nangasiwa ng proyekto, kaya ngayon ang taong bayan na naman ang kailangang magsakripisyo. Lagi na lang bang taong bayan ang abonado? Think about it.#ThinkAboutIt #TedFailonandDJChacha #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
Naglabas ang LTFRB ng Memorandum Circular 2024-040 na inoobliga ang lahat ng mga driver at konduktor ng lahat ng pampublikong sasakyan na sumailalim sa labing-anim na oras na lecture at training na ibibigay ng LTFRB-accredited driving schools. P2,000 ang Minimum Prescribed Fee para sa naturang lecture-training. Dagdag gastos na naman ito para sa mga drayber at konduktor, maging mga operator. Ang problema, magpapatupad ng isang programa na napakaraming manggagawa sa sektor ng transportasyon ang apektado nang hindi man lang sila muna kumonsulta sa apektadong sektor. Malinaw na ang programang ito ng LTFRB, sa ilalim ng DOTr, ay isa na namang kaso ng “implement now, plan later.” “Implement now, consult later.” Hanggang kailan magiging ganito ang uri ng pamunuan sa LTFRB? Nasaan ang bagong Pilipinas sa sistema ng ahenshang ito na mistulang nagiging bugok na regulatory board? Think about it.#ThinkAboutIt #TedFailonandDJChacha #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
Taong 2017, isinulong ng administrasyong Duterte ang PUV Modernization Program. Mula 2017 ay nagkaroon na ng siyam na extension sa deadline ng industry consolidation o ang pagbuo ng mga korporasyon at kooperatiba ng jeepney drivers at operators kung saan ang hindi susunod ay awtomatikong tanggal ang prangkisa. Higit 86% na raw ang nakapag-consolidate sa buong bansa. Pero sa 86% na ito, ilan ang totoong aprubado na at ilan ang hindi pa talaga kumpirmado? Kahit na wala pang siguradong ruta ay ginulo ng pamahalaan ang hanapbuhay ng mga driver at operator, at pinahirapan ang mga mananakay.Walang malinaw na local public transport route plan kaya noon pa man ay atubili ang mga bangko na magpautang sa mga nais kumuha ng modern jeepney, habang ang government financial institutions na Landbank at DBP ay huminto na umano sa pagpapautang para sa PUV modernization dahil sa mga kooperatibang hirap makapagbayad ng utang.Aamin kaya ang kasalukuyang gobyerno na ipinagpatuloy nila ang programang sinimulan ng dating administrasyon kahit hindi ito lubos na pinag-aralan? Paano tatakasan ng gobyerno ang kinasadlakan nilang sitwasyon nang hindi sila mapapahiya? Think about it.#TedFailonAndDJChaCha #ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
Sa huling araw ng sesyon ng Kongreso, bago ang kanilang recess para sa Halalan, nilagdaan ng 215 na mga Kongresista ang Verified Complaint for Impeachment para papanagutin si Vice President Sara Duterte sa anila'y Culpable Violation of the Constitution, Betrayal of Public Trust, Graft and Corruption, and other High Crimes. Kung inabot ng dalawang buwan bago tuluyang ma-impeach ng Kamara ang Bise Presidente, ilang araw, linggo, buwan, o taon naman kaya ang bibilangin para magsimula ang Senado sa proseso ng impeachment trial? Pinagdedebatehan ngayon ang nakasaad sa ating Konstitusyon kaugnay sa proseso ng impeachment na sinasabing pagkatapos pagbotohan ng 1/3 ng mga miyembro ng Kamara ang resolusyon na naglalaman ng Articles of Impeachment, trial by Senate shall forthwith proceed–dapat isunod agad ang paglilitis ng Senado. Subalit iwinawaksi ng liderato ng Senado ang suhestyon sa pagpapatawag ng special session para aksyunan ang impeachment complaint. Sa halip na isunod agad o gawin agad ay tila pinatatagal ang pagsisimula ng proseso ng impeachment trial. Bakit kaya? Think about it.#TedFailonAndDJChaCha#ThinkAboutIt#DitoTayoSaTotoo#SaTrue#TrueFM#TrueTV
Walang habas at hindi na natitigil ang korapsyon sa Pilipinas na siyang dahilan ng patuloy na paghihirap ng napakaraming pamilyang Pilipino. Kaya isang mambabatas ang nagsusulong ng batas na magpapataw ng death penalty sa pamamagitan ng firing squad, para sa mga opisyal ng pamahalaan na mapapatunayang korap at nagnakaw sa kaban ng bayan.
Sa pamamagitan nito, matigil na kaya ang mga politikong magnanakaw sa ginagawa nilang pangungulimbat ng milyon-milyon, daang milyon, bilyong pisong pera ng bayan? O tanging mga ordinaryong magnanakaw lamang–mga maliliit na isda–ang mapaparusahan, dahil ang lahat ay dadaan pa rin sa due process?
At makapagpapatuloy pa rin sa kanilang pandarambong ang mga politikong magnanakaw na nagpapanggap na lingkod bayan. Think about it.
#TedFailonAndDJChaCha #ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
Sa inilabas na Executive Order No. 62 ni Pres. Bongbong Marcos noong Hunyo 2024 na nagbaba ng taripa sa imported rice, inasahan ng gobyerno na bababa rin ang presyo ng bigas sa mga palengke.
Bilyon-bilyong piso na ang nawalang pera ng bayan dahil sa pagpapababa ng taripa subalit hanggang ngayon ang pangakong mababang presyo ng bigas ng Kagawaran ng Agrikultura ay hindi pa rin nangyayari. Bagkus ay mas yumaman pa raw ang importers at traders ng imported na bigas dulot ng pagbaba ng taripa na ibinulsa lang naman ng mga trader.
Mga mapagsamantalang traders at importers na hanggang ngayon ay hindi matukoy at matugis ng gobyerno sa kabila ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa kanilang confidential at intelligence funds.
Kaya naman ang pangakong murang bigas, ay nauwi lamang sa puro paasa! Think about it.
#TedFailonAndDJChaCha #ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
Sinasabing may demokrasya sa Pilipinas sapagkat inihahalal natin ang mga lider ng bansa sa pamamagitannnt umano'y malayang halalan. Subalit demokrasya rin ang madalas na pangsalag ng mga dumidepensa kapag may kumukwestyon sa ginagawang pagpapatakbo ng gobyerno sa Pilipinas.
Sa kasalukuyang komposisyon ng mga nagtatabaang dinastiya sa Senado at Kamara de Representante at mga lokal na pamahalaan, at sa nangyayaring paghahari ng mga bilyonaryo at negosyante sa ating lehislatura, umiiral ba talaga ang tunay na demokrasya sa Pilipinas?
Tunay bang malaya ang ating bayan kung mangilan-ngilan na lang ang naglalakas loob na banggain ang kabuktutan ng mga dambuhala't makapangyarihang angkan sa buong bansa? Think about it.
#TedFailonAndDJChaCha #ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
#TedFailonandDJChaCha sa 105.9 True FM at True TV Channel 19!
Ang Universal Health Care Act at ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang dapat sana'y sandalan ng mga Pilipino sa panahon ng pagkakasakit.
Subalit bigo sila sa pagpapatupad ng mandatong ito. At mas lalo pang magtitiis ang mga Pilipino sa barat na benepisyo ng PhilHealth dahil sa susunod na taon ay wala nang ilalaan na pera ang national government para sa korporasyon.
Kaltas ang budget para sa kalusugan ng mga Pilipino, pero may dagdag na bilyon-bilyong pisong pondo para sa DPWH, AKAP at nagbigay din ng dagdag panggastos para sa Kamara de Representante.
Ang ilang opisyal ng gobyerno na swapang sa pera ang dahilan kung bakit maraming hikahos na Pilipino ang hindi malaman kung saan kukuha ng pampaospital at walang magawa kundi magmakaawa sa mga pulitiko. Mga swapang na pulitiko na dahilan kung bakit ikinamamatay na lang ng iba ang paghihintay sa pambayad sa ospital. Think about it.
#ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
#TedFailonandDJChacha sa 105.9 True FM at True TV Channel 19!
Bicameral Conference Committee. Bicam. Ang pagpupulong ng mga kinatawan ng House of Representatives at Senado, para pag-usapan at desisyunan ang hindi pinagkakasunduang mga probisyon sa isang panukalang batas gaya ng panukalang pambansang budget.
Iminamandato ng ating Konstitusyon — maliban lamang sa usaping may kinalaman sa pambansang seguridad — na ang lahat ng pinag-uusapan sa bawat kapulungan ng Kongreso ay may rekord na dapat ding inilalathala para sa kaalaman ng publiko.
Transparency ang diwa ng probisyong ito, o ang pagiging bukas sa publiko ng Kongreso sa mga deliberasyon at desisyon ng mga miyembro nito. Pero tila hindi nasusunod ang probisyong ito ng Saligang Batas sa ginagawang pagpupulong ng Bicameral Conference Committee sa ating pambansang budget.
Kung kaya’t kapag naging ganap na batas na ang pambansang budget, doon lamang lumalabas ang mga naisingit na probisyon sa bicam tulad ng pagkuha sa sobrang pondo ng PhilHealth at paglalaan ng labis na pera para sa isang ayuda program na wala naman sa panukalang budget ng Malacañang — mga probisyon na ikinagulat hindi lang ng publiko, kundi pati ng mga senador at ilang kongresista.
Sa haba ng panahon at laki ng gastos para sa deliberasyon ng pambansang budget, ang sasabihin lang ng mga mambabatas ay, “Nalusutan kami?”
Kung mismong ang mga senador at mga kongresista ay nalulusutan ng sabwatan sa pera ng bayan, paano pa kaya tayong mga pangkaraniwang mamamayan? Think about it.
#ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
Inyo bang naaalala ang dalawang hypercar na Red at Blue Bugatti na tumawag sa atensyon hindi lamang ng publiko kundi maging ng Senado dahil nalantad na ang dalawang bugatti ay smuggled at ang mga plaka at rehistro ay kwestyunable?
Ibinebenta na ng Bureau of Customs (BOC) ang mga isinukong hypercar pero wala pa ring balita kung sino ang mga smuggler at mga kasabwat sa BOC at Land Transportation Office (LTO) kung saan nairehistro ang mga ito.
Tikom na ang bibig ng pamunuan ng BOC at LTO. At kahit naghain na ng resolusyon sa Senado tungkol sa umano'y talamak na smuggling ng luxury cars ay wala ni isang pagdinig na ipinatawag.
Kung sa isyung ito ng mga hypercar ay wala pa ring nailalatantad na nasa likod ng illegal smuggling kahit na klaro na ang lahat ng pangyayari at suportado pa ng mga dokumento para tukuyin kung sino-sino ang mga nagkuntsabahan, paano pa sa marami pang kuntsabahan na ginagawa ng nga tiwaling kawani ng pamahalaan? Think about it.
#ThinkAboutIt #DitoTayoSaTotoo #SaTrue #TrueFM #TrueTV
#TedFailonandDJChacha sa 105.9 True FM at True TV Channel 19!
Umuugong ang usap-usapan tungkol sa posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte dahil sa hindi maipaliwanag na paggasta ng confidential funds ng tanggapan ng bise presidente at ng DepEd sa panahon ng panunungkulan niya bilang kalihim ng ahensya.
Ang impeachment ay isang paraan ng pagpapanagot sa mga matataas na opisyal ng bayan. Isa itong constitutional duty ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sa kasaysayan ng Pilipinas, iisa pa lamang ang impeachment process na natapos at nauwi sa conviction at pagkakatanggal sa pwesto ng isang dating Chief Justice ng bansa.
Kung susuriin ang reyalidad na kasalukuyang nangyayari sa ating bayan at politika na umiiral sa dalawang kapulungan ng Kongreso, maging ang namamayaning klima ng ating halalan sa ngayon, maaari nga bang maalis sa pwesto si VP Sara sa pamamagitan ng impeachment process?
Taglay nga ba ng mga miyembro ng dalawang kapulungan ng ating Kongreso ang diwa at prinsipyo ng Konstitusyon para mapanagot ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan na nagkasala sa ating bayan? Think about it.
Kahirapan at mataas na antas ng korapsyon–ito ang ilan sa mga dahilan kung bakit nanguna ang Pilipinas sa pinakabagong World Risk Index o listahan ng mga bansang mas matindi ang nararanasang epekto sa pagtama ng mga sakuna. Naaabuso ang salitang "resilient" na katangian ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad kaya kapag natapos na ang bagyo at nakapamudmod na ng relief goods ang pamahalaan at ang mga politiko, tuloy lang ulit ang buhay ng mga biktima. Magkaroon man ng imbestigasyon sa sanhi ng kalamidad at pagbaha, wala namang napapanagot na mga tao na nagkulang sa pagpapatupad ng flood control projects ng gobyerno. Higit sa mga natural na sakuna na hinaharap ng Pilipinas taun-taon ay ang hindi matapos-tapos na kalamidad na dulot ng kasakiman ng mga tao sa bilyon-bilyong pisong pera ng bayan na nakalaan sa mga proyektong kailangan para mabawasan ang pagbabaha. At ang masakit na trahedya ay ang pananahimik at mistulang pagpayag na lamang ng mga Pilipino na mangyari ang kasakimang ito sa ating bayan. Think about it.
Lumalabas sa pinakahuling pagtatanong ng Social Weather Stations (SWS) na higit 16 milyong pamilyang Pilipino ang nagsasabing sila ay mahirap. Ngayong taon lamang, ang Kongreso ay naglaan ng higit 160 bilyong piso para sa pagtulong sa mga mahihirap na Pilipino sa pamamagitan ng mga programang 4Ps, AKAP at AICS, na kung susuriin ay halos pare-pareho naman ang mga benepisyong ibinibigay—mga programang inuulan ng litrato, tarpaulin at presensya ng ilang mga pulitiko tuwing may bigayan. Iba pa ang 4Ps, AKAP at AICS sa mga subsidiya mula sa iba pang mga departamento ng pamahalaan kagaya ng TUPAD ng DOLE, na kahirapan ng mga Pilipino pa rin ang gustong solusyunan.
Habang patuloy na lumalaki ang inilalaang pera ng bayan para sugpuin ang kahirapan, bakit patuloy namang dumarami ang mga Pilipinong nagsasabing sila ay naghihirap? Kaya tuloy ang ilang pulitiko tila sa kahirapan din namumuhunan para utuin ang taong-bayan. Think about it.
ALL>FUL>MOVIES>LINK👉https://co.fastmovies.org