‘Sasabog na: Poot ng bayan!’ (Aired October 30, 2025)
Description
Malinaw na isinasaad sa ating Konstitusyon na ang mga miyembro ng dalawang kapulungan ng Kongreso ay hindi dapat maging interesado sa pananalapi nang tuwiran o di-tuwiran sa ano mang kontrata na ipinagkaloob ng pamahalaan, sa loob ng taning ng panahon ng kanyang panunungkulan.
Ngunit sa investigative reports ng media tulad ng online news website na Rappler, lumilitaw ang katotohanan na sa maraming lalawigan lalo na kung saan naghahari ang mga dinastiya, talamak ang pagkopo ng mga kontrata sa DPWH ng mga construction company na pag-aari mismo ng nakaupong politiko, o di kaya ay ng kanilang pamilya.
Nangyayari ito na para bagang walang umiiral na mga batas; na para bagang wala na silang takot sa pananagutan. Gaya na lamang ng pinangalanang mga proponent o mambabatas na nakikipagsabwatan para pagnakawan ng pera ang bayan—ni isa sa kanila ay walang umaamin.
Nagpapagal sa trabaho ang mga pangkaraniwang Pilipino, habang nag-aawak-awak ang kwarta na ninanakaw ng mga mandarambong na siya rin nilang ginagamit para ipagtanggol ang kanilang sarili upang makalusot sa mga kaso at patuloy na makaupo sa puwesto ng kapangyarihan. Halos isandaang araw na magmula ng sabihin ni Pangulong Marcos sa kanyang SONA na pananagutin ang mga nagsasabwatan sa kickback pero hanggang ngayon, ni isa sa mga kawatan ay wala man lang nababasahan ng sakdal.
Parang kulang pa ang muhi na ipinapakita ng mga mamamayan. Pahinog na ang panahon. At ang sukdulang poot ng bayan ay maaari nang sumabog. Think about it.




