Ikalawang Istasyon: Ang Pagdurusa ni Hesus sa Halamanan
Description
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagbasa (Lu 22: 39-45)
Gaya ng kanyang kinaugalian, umalis si Hesus at nagtungo sa Bundok ng mga Olibo; at sumama ang mga alagad. Pagdating doo’ys sinabi niya sa kanila, “Manalangin kayo, nang hindi kayo madaig ng tukso.” Lumayo siya sa kanila nang may isang pukol ng bato, saka lumuhod at nanalangin. “Ama,” wika niya, “kung maaari’y ilayo mo sa akin ang kalis na ito. Gayunma’y hindi ang kalooban ko ang masunod, kundi ang kalooban mo.” Tigib ng hapis, siya’y nanalangin nang lalong taimtim; tumulo sa lupa ang kanyang pawis na animo’y malalaking patak ng dugo. Tumindig siya pagkapanalangin at lumapit sa kanyang mga alagad. Naratnan niyang natutulog ang mga ito dahil sa tindi ng dalamhati.
Pagninilay
May mga panahong tila gusto na nating sumuko, dahil sa bigat ng ating mga pasanin sa buhay. May mga panahong parang wala na tayong ibang maasahan. May mga panahong ang mga taong inaasahan nating nariyan lagi para sa atin ay naglalaho kung oras na ng kagipitan. Sa mga panahong wala na tayong makapitan, alalahanin natin na hinding hindi tayo iiwan ng panginoon. Hinding hindi tayo susukuan ng paginoon. Makita nawa natin bilang halimbawa ang pagbaling ni kristo sa Diyos sa panahon ng paghihirap. Maari tayong lumapit at kumapit sa kaniya kailan man.
Panalangin
Panginoon, humantong Ka sa panahong wala Kang ibang makapitan at walang ibang malapitan kundi ang iyong amang nasa langit. Kahit ang iyong mga kaibigan na minamahal at inaasahan ay naglaho. Turuan mo kaming matutong kumapit at lumapit sa Ama, na siyang tanging makakapitan at malalapitan sa oras ng kagipitan.
Paanyaya
Isipin at ipag-dasal ang mga taong walang ibang makapitan, ang walang ibang malapitan kundi ang Diyos.
Ama Namin… Aba, Ginoong Maria… Luwalhati…




