Ikapitong Istasyon: Tinulungan ni Simon si Hesus sa Pagpasan ng Krus
Description
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagbasa (Mc 15:21 )
Nakasalubong nila ang isang lalaking galing sa bukid, si Simon na taga-Cirene, ama nina Alejandro at Rufo. Pilit nilang ipinapasan sa kanya ang krus ni Hesus.
Pagninilay
Lumalaking kultura na ang kultura ng pagkakanya-kanya. Dahil sa hirap ng buhay, natututo tayong mabuhay ng para sa ating sarili lamang. Natututo tayong parating unahin ang sarili. Bahala na ang iba, basta ang sarili ay matiwasay. Matuto nawa tayong makita ang krus na pasan ng ibang tao. Matuto nawa tayong makita na sa ating buhay, si Kristo ang ating kaibigan na kabalikat natin sa ating mga pasaning krus sa buhay. Makita nawa natin si Kristo sa mga taong naghihirap.
Panalangin
Panginoon, pinasan Mo ang bigat ng krus ng aming pagkakasala. Ikaw ang pumasan sa krus na aming dapat pasanin. Makita nawa naming ang Iyong mukha sa mga taong naghihirap. Mapukaw nawa ang aming damdamin na tumulong ding pasanin ang krus ng iba, dahil Ikaw ang unang pumasan sa aming krus.
Paanyaya
Isipin ang mga taong pumapasan sa hirap ng ibang tao.
Ama Namin… Aba, Ginoong Maria… Luwalhati…




