Ikasampung Istasyon: Ang Nagsisising Magnanakaw
Description
Sinasamba ka namin at pinasasalamatan, Panginoong Hesukristo. Sapagkat sa pamamagitan ng iyong Mahal na Krus at Muling Pagkabuhay, iniligtas mo ang sandaigdigan.
Pagbasa (Lu 23: 39-43)
Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw na gMesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”
Pagninilay
Maraming nakakagawa ng mali sa atin. Totoo, madalas mahirap magpatawad lalo na kung malalim ang nagawang sakit ng tao sa atin. Inaanyayahan tayo ng Panginoon na maging mapagpatawad, na mahalin ang ating mga kaaway, na ipagdasal ang mga humushusga sa atin, taliwas sa nakasanayang kultura ng mundo, ang kultura ng paghihiganti. Matuto nawa tayong patawarin ang iba, humingi ng tawad, at patawatin din ang sarili, dahil tayo ang unang minahal at pinatawad.
Panalangin
Hesus, kami rin po ay katulad ng magnanakaw na lumalapit sa Iyo ng buong pagsisisi sa aming mga kasalanan. Ilang beses naming ipingako na magbagong buhay at iwasan ang kasalanan subalit paulit ulit kaming dumadapa. Maraming salamat sa walang-sawang pagpapatawad at pagmamahal. Turuan Mo din kaming humingi ng tawad sa ibang tao na nasaktan namin at magpatawad sa mga nagkasala sa amin.
Paanyaya
Isipin at ipagdasal ang mga taong kailangan nating patawarin at hingan ng tawad. Lalong lalo na ang mga mahirap patawarin.
Ama Namin… Aba, Ginoong Maria… Luwalhati…




